ROMBLON, Romblon (PIA) – Matagumpay na idinaos kahapon ang Buntis Congress sa bayan ng Romblon sa pangunguna ng Rural Health Unit (RHU)-Romblon at pakikipagtulungan ng pamahalaang bayan ng Romblon taglay ang temang: “Healthy Baby sa Wise na Mommy.”
Ayon kay Municipal Health Officer Dr. Merly Valen H. Malorca, nasa 110 na mga nagdadalantao o mga buntis mula sa 31 barangay ng bayan ng Romblon ang dumalo sa Buntis Congress na ginanap sa covered court ng Romblon public plaza.
Ang naturang kongreso ay kinapalooban ng mga lectures sa kahalagahan ng pre-natal check-up, sintomas ng mga panganib sa panahon ng pagbubuntis at maaaring komplikasyon sa panahon ng pagdadalantao (Danger signs and Pregnancy complications), pagkakaloob ng immunization sa nanay at sanggol, 3 delays, tamang pagpaplano ng pamilya (Family Planning), benepisyong makukuha ng sanggol kapag nagpapasuso ang nanay at mga benebisyong makukuha sa Philhealth & Social Security System (SSS).
Aniya, ang aktibidad na ito ay hakbang ng kagawaran ng kalusugan para makamit ang Millennium Development Goals (MDG) na mapabuti ang kalusugan ng mga ina at mapababa ang bilang ng mga babaeng namamatay dahil sa komplikasyon habang nanganganak.