Ni-relieve at dinisarmahan na kahapon ng Quezon City Police District ang lady cop na bumaril umano sa asawa ng kanyang dating kinakasama kamakailan.
Ibinunyag ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar na tinanggal na sa puwesto bilang beat patroller si PO1 Wealyn Malaya Ojastro sa QCPD Station 4 ilang araw matapos umanong barilin si Kevin Tumbaga, 33, at saktan ang kanyang asawang si Glaiza, 31.
Sinabi ni Eleazar na nag-Absent Without Leave si Ojastro pagkatapos ng insidente at sumuko lamang noong Biyernes sa kanyang station commander na si Supt. April Mark Young.
Nasa restrictive custody na ng QCPD Station 4 at nasampahan na ng kasong frustrated murder and physical injury ang suspect sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Pinagaaralan na ng QCPD kung sasampahan ng administrative case si Ojastro dahil sa insidente na tinawag na crime of passion at love triangle.
Pinasok umano ng suspect ang bahay ng mga biktima sa Barangay Sauyo, Novaliches, Quezon City. Sinipa ni Ojastro si Glaiza at binaril sa binti si Tumbaga.
Inihampas din umano ng suspect ang salamin ng bintana ng bahay sa mukha ni Tumbaga. Nabigo ang relationship ni Ojastro kay Glaiza ng nakipagbalikan ito sa kanyang asawa. (Vanne Elaine P. Terrazola)