BOAC, Marinduque (PIA) – Dahil sa Provincial Ordinance No. 124 o mas kilala sa tawag na Lactation Station Ordinance, ipinagtibay kamakailan ng Sangguniang Panlalawigan (SP) na magtayo ng lactation station ang bawat opisina ng ahensya ng pamahalaan sa lalawigan.
Layunin ng ordinansa na ito na palaganapin at tangkilikin ang breast feeding program para sa kapakanang pangkalusugan ng bawat sanggol sa buong lalawigan na naaayon sa batas nasyonal na Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009.
Samantala, Nakatanggap ng P80,000 na insentibo ang anim na lola na maituturing na centenarians o mga Marinduquenong umabot na sa edad na 100.
Ito ay matapos maisakatuparan ang ordinansang naglalayon na magbigay ng ayudang pinansyal at karagdagang tulong para sa mga naninirahan sa lalawigan na umabot na sa ganitong edad.
Ayon kay Bokal Theresa P. Caballes, ang ordinansang kanilang binuo ay may kaugnayan sa batas nasyonal na may kinalaman sa pamimigay ng P100,000.00 sa mga senior citizen na may gulang na 100 pataas.
Ang mga nakatanggap ng cash incentive ay sina Marina Osar, 100 taong gulang; Graciana Labatete, 102 taong gulang; Rufina Mandalihan, 100 taong gulang; Simplicia Recana, 100 taong gulang at; Felicidad Pedrialva, 100 taong gulang.