Binalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga mapagsamantalang motorista na gumagamit ng pekeng identification cards para makaiwas sa unified vehicular volume reduction program o ang number-coding scheme.
Inilabas ng ahensiya ang babala matapos na ipahayag nito na hindi na kailangang mag-apply ng exemption sa number-coding scheme ang physicians at medical doctors na rumeresponde sa emergency cases.
Sinabi ng MMDA na kailangan lamang ipakita ng medical practitioners na nasa emergency cases ang kanilang updated PRC (Professional Regulation Commission) identification cards kung sakaling harangin sila ng traffic enforcers dahil sa UVVRP violation.
Inamin ni Bong Nebrija, MMDA supervising operations officer, na mahirap malaman ang pagkakaiba ng genuine at pekeng PRC license card.
“Fake PRC IDs are almost perfect but you can still see the discrepancy between an original and a fake when you look at it closer,” sabi ni Nebrija.
Sa ilalim ng PRC rules, ang falsification ay may parusang pagkakulong na mula anim na buwan hanggang anim na taon at pagbabayad ng multa. (Anna Liza Villas-Alavaren)