Kasong murder ang isinampa ng police laban sa dalawang suspects sa pagpatay sa traffic enforcer na si Noel Lunas noong nakaraang buwan.
Sa final report na inilabas noong April 4, sinabi ng Pasay City Police na sinampahan nila ng murder cases sina Cairoden Mangundao alias Nashro Baguindulo, at ang kaniyang asawang si Norhinia Sema sa Pasay City Prosecutor’s Office.
“[T]his office [has] treated the case as cleared and closed,” ayon sa investigation report na isinumite kay Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario Jr..
Ayon kay SPO4 Allan Valdez, case investigator, hihintayin na lamang nila na mag-issue ang korte ng subpoena para dalawang suspects.
“Magkakaroon ng tatlong hearing. Kapag hindi sila umattend, maglalabas na nang arrest warrant laban sa kanila,” sabi ni Valdez.
Iginiit naman ni Imelda, asawa ni Lunas, na hindi pa sarado ang kaso dahil hindi pa nahuhuli ang suspects. “Hangga’t hindi pa sila nahuhuli hindi matatapos ang kasong ito,” pahayag ni Imelda.
Matatandaan na binaril at napatay si Lunas noon March 21 habang pinipilit niyang arestuhin sina Mangundao and Sema na nakasakay noon sa Toyota Innova sa EDSA-Roxas dahil sa traffic obstruction.
Namatay noon din si Lunas dahil sa tatlong tama ng bala sa ulo at katawan. (Martin A. Sadongdong)