Isang 33-taong gulang na ina ang inaresto noong Huwebes ng umaga nang tangkain niyang lunurin ang kaniyang apat na buwang gulang na sanggol na lalaki sa Manila Bay sa Malate, Manila.
Ayon sa police, inamin ni Jane Gonzales na nasa ilalim siya ng impluwensiya ng alak at shabu nang mamataan siya ng isang concerned citizen na inilulublob niya sa tubig ang kaniyang sanggol dakong 10:30 a.m.
Kaagad na rumesponde ang tinawag na patrol cops mula sa Roxas Boulevard Police Community Precinct (PCP) at dinala ang mag-ina sa pampang.
Sinabi ni Gonzales na dumadanas ang kanilang pamilya ng financial problems simula nang hindi magbigay ang kaniyang asawa ng suporta sa kanilang limang anak.
Nakakulong ngayon si Gonzales habang inihahanda ang pagsasampa sa kaniya ng kasong paglabag sa R.A. 7610 o Anti-Child Abuse Law sa City Prosecutor’s Office.
Samantala, pansamantalang inilagay sa custody ng Manila Social Welfare and Development ang sanggol ni Gonzales. (Analou De Vera)