Pinaalalahan ng Department of Health (DoH) ang publiko, lalo na ang mga sasabak sa Visita Iglesia at ang mga magpepenitensiya ngayong Semana Santa, na ingatan ang sarili laban sa heat stroke at iba pang karamadaman na karaniwang dumadapo tuwing tag-init.
“We must remember that Holy Week is a time for solemnity, but it can only be fun if it is disease-free and stress-free,” pahayag ni Health Secretary Paulyn Jean Rosell-Ubial sa isang press briefing kung saan ibinigay niya ang health tips para sa Holy Week observation.
Ayon kay Ubial, ang mga mananampalataya na bibisita sa mga simbahan ay dapat magbaon ng bottled water, packed foods at payong para maiwasan ang heat stroke, dehydration at pagkahilo dulot ng gutom.
Siguraduhin din na malinis ang pagkain at tubig at magsuot ng komportableng damit.
Para iwas tetanus ang mga magpepenitensiya, iminungkahi ni Ubial na i-sterilize o ibabad sa alcohol ang mga pakong gagamitin sa pagpapako sa krus at ibang sharp objects na ginagamit na panghampas sa sarili.
“Tetanus can easily be contracted with the use of unsterilized or rusty nails,” babala ng health chief.
Inirekomenda ng DoH na magpabakuna ang mga penitents ng Tetanus toxoid o anti-tenanus serum bago magpapako.
Sa mga taong may high blood pressure at iniindang iba pang karamdaman, ipinayo ng health official na manatili na lamang sa loob ng bahay, lalo na sa oras na 10 a.m. hanggang 3 p.m., kung kalian sikat na sikat ang araw, dahil maaaring lumala ang kanilang sakit kung mai-expose sila sa sobrant init.
Hanggat maari, bawasan ang tea, kape, softdrinks at alak.
Kung hindi maiiwasang bumiyahe sa Holy Week, dapat dala lagi ang gamot at ilang pangangailangan para masigurado ang kaligtasan sa daan.
Ayon sa kaniya, hindi dapat isama ang mga malilit na bata o mga sanggol sa mga mataong lugar dahil mahina pa ang kanilang resistensiya laban sa mga sakit.
WARNING VS ‘6 S’
Binalaan din ni Ubial ang publiko laban sa six summer diseases o “6 S” – sore eyes, sipon at ubo, sakit sa balat, sakmal ng aso, at suka’t tae.
Iminungkahi niya ang palagiang paghuhugas ng kamay para makaiwas sa sore eyes o conjunctivitis na maaaring mauwi sa pagkabulag kung hindi mabibigyan ng tamang lunas.
Ipinayo ng kalihim na magpaturok ng anti-flu vaccine ang mga senior citizens para maprotektahan sila sa sipon at ubo na nakukuha dahil sa pabago-bago ng panahon.
Para maiwasan ang sakit sa balat tulad ng boils o pigsa na karaniwang nakukuha sa mga lugar na salat sa supply ng tubig, sinabi ni Ubial na iwasang maligo sa mga maruruming paliguan o swimming pools.
“Do not forget to take a bath before (and after) plunging into the pool and avoid urinating in it,” aniya.
Ipinalala rin ni Ubial na dapat bantayan ng mga nakatatanda ang mga maliliit na bata sa paliligo sa beach o swimming pools para masiguradong hindi sila malulunod.
Para naman maprotektahan ang balat sa mapaminsalang UVA a UVB, magpahid ng sunblock na hindi bababa sa SPF30, 30 minutes bago lumabas ng bahay, at maglagay ulit pagkatapos ng dalawang oras. Huwag kalimutang pahiran ang tainga, batok at mga paa.
Ayon sa DoH, kailangang suriing mabuti ang mga kinakain at iniinom dahil ang mga kontaminadong pagkain at inumin ang pangunahing sanhi ng pagkasira ng tiyan.
Magbaon ng Oral Rehydration Solution (ORS) na iinumin kung sakaling maabutan ng diarrhea o pagtatae.
Para makaiwas sa rabies infection, payo ni Ubial na pabakunahan ang mga alagang aso.
Kung sakaling makagat ng aso, agad na hugasan, sabunin ang sugat at pumunta agad sa animal bite centers para mabigyan ng anti-rabies vaccine. (EMILY G. BUGARIN)