Patay ang isang bystander nang makuryente habang pinanunuod ang sunog na tumupok sa 100 kabahayan sa Las Piñas City noong Sabado ng gabi.
Wala nang buhay ang biktimang si Jefferson Tangher, 25, nang idating sa Las Piñas District. Ayon kay Chief Inspector Jessie Alumpiano, Las Piñas Bureau of Fire and Protection chief, nagsimula ang sunog dakong 9:23 p.m. sa bahay ng isang Dino Ubanil na nasa likod ng Zapote Plaza sa Barangay Zapote.
Mabilis na kumalat ang apoy sa mga kalapit na bahay. Base sa investigation report ni FO2 Daisy Pedralvez, apat na oras ang itinagal ng sunog bago ito naapula bandang 1:08 a.m.
Sinabi ni Alumpiano na inaalam pa ang sanhi ng sunog na tumupok sa P1-million halaga ng ari-arian. Dinala ang 200 apektadong pamilya sa Zapote Elementary School covered court.
Sa utos ni Mayor Imelda Aguilar, kaagad na nagpadala ang city government ng relief goods sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog. (Jean Fernando)