Tuloy ang kampanya ng gobyerno laban sa mga sasakyang ilegal na nakaparada at iba pang nakahambalang na bagay sa mga daanan kahit na sa Holy Week.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mahigit sa 1,700 personnel ang ipakakalat sa Metropolis para ipatupad ang naturang kampanya sa panahoon ng Semana Santa.
Sinabi ni Bong Nebrija, MMDA supervising operations officer, na magko-concentrate sila sa paligid ng bus terminals dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong pupunta sa kani-kanilang probinsiya.
“We will clear the roadways at the back of the terminals to ensure there will be no obstructions plus ensure the enforcement of nose-in, nose out policy wherein bus drivers are not allowed to maneuver on the roads,” pahayag ni Nebrija sa dzBB radio program ng ahensiya.
Ayon kay Celine Pialago, MMDA spokesperson, may kabuuang 1,739 personnel ang tutulong sa pagta-traffic sa mga daanan patungo sa bus terminals, airports at seaports.
Pinayuhan din niya ang motorists na alamin ang mga kalye sa Pasig at Makati cities na isasara sa vehicular traffic dahil sa isasagawang religious activities para sa Holy Week.
Ipatutupad ng agency ang “No Day-Off, No Absent” policy sa kanilang traffic personnel na magmamando sa traffic at reresponde sa anumang insidente sa mga pangunahing daanan sa Holy Week. (Anna Liza Villas-Alavaren)