Kung ang karamihan ay sinasabing ang kanilang ina ang greatest love nila, iba para sa The Greatest Love actor na si Joshua Garcia dahil ang kanyang ama ang pinili niya.
Paliwanag ni Joshua, “Masasabi ko po ang greatest love ko po is yung tatay ko. Pero hindi naman po ibig sabihin na hindi ko na love ang nanay ko. Mas close po kasi ako sa tatay ko. Kasi hindi ko po nakalakihan, nakasama ang nanay ko.”
Naghiwalay kasi ang mga magulang ni Joshua noong bata pa lang siya. Napunta siya sa poder ng kanyang ama kaya lumaki siya na walang mother figure. Nagkaroon sila ng emosyonal na reunion mag-ina noong May 2014 noong housemate pa si Joshua sa Pinoy Big Brother: All In.
Ngayon ba nagkikita pa rin sila ng nanay niya? “Minsan po, pagka hindi po siya busy sa trabaho. Kasi siyempre may binubuhay po siyang ibang pamilya.”
May mga kapatid si Joshua sa kanyang ina nang muli itong mag-asawa. May iba rin siyang mga kapatid sa father side.
Ang tatay niya raw ang sumubaybay sa kanyang paglaki. “Ginampanan niya yung pagiging nanay, at the same time tatay din siya.”
Samantala, mami-miss daw ni Joshua ang co-stars niya pati na rin ang production team ng ABS-CBN afternoon teleseryeng The Greatest Love kapag nagtapos na ito sa April 21. Pamilya na raw kasi ang turingan nila sa isa’t isa.
Espesyal ang naging closeness nina Joshua at Sylvia Sanchez sa The Greatest Love, na nadala ang pagiging close ng mga character nila bilang mag-lolang sina Z at Gloria. Ano ang best thing kay Sylvia? “Yung pagiging nanay niya sa aming lahat. Lahat naman sila (naging ka-close ko). Kahit si Ms. Dimples, Mama na rin ang tawag ko,” ani Joshua.
Mapapanood ang huling dalawang linggo ng The Greatest Love mula Lunes hanggang Biyernes ng hapon pagkatapos ng The Better Half sa ABS-CBN. (GLEN P. SIBONGA)