Nagkomento si Lotlot de Leon sa usap-usapan ngayon na pagiging malapit ng anak niyang si Janine Gutierrez sa Kapamilya actor na si Rayver Cruz.
“Basta kung saan siya (Janine) masaya. Basta maligaya siya, huwag lang nakikita ko yung anak ko na nasasaktan. Ganun pala yun na bilang magulang, pag nakita mo yung mahal mo lalo na ang anak mo na nasasaktan, you feel so helpless.
Parang hindi ka makagawa ng paraan para tumigil yung sakit na nararamdaman niya. So, pag masaya sila, mas masaya ako,” sabi ni Lotlot.
Boto ba siya kay Rayver para sa anak? “Kilala ko naman si Rayver dahil nakasama ko siya sa Spirits (2005 ABS-CBN teleserye) dati. So, I knew of Rayver since before and kahit na matagal kaming hindi nagkikita, pag nagkikita kami ulit parang kahapon lang. He’s a good person. Whatever happens to him, kung ngayon magkaibigan sila ni Janine, I don’t know what their plans are or what his plans are, maybe siya yung dapat tanungin natin. Kasi ako, kung saan masaya ang anak ko, kahit sa personal or career wise, doon ako.”
Samantala, kaligayahan at kabutihan rin ng mga anak ang hangarin ng ginagampanang role ni Lotlot bilang si Precy sa pelikulang 1st Sem. Isa siyang nanay rito na ang iniintindi ay ang ikabubuti ng mga anak. Sa huli natuto siya sa kanyang mga kamalian at piniling ayusin ang relasyon sa kanyang mga anak.
Produced by Kayan Productions and Team Campy Entertainment Picture, ang 1st Sem ay entry sa 2nd Cine Filipino Film Festival noong isang taon. Nanalo ito ng Best Debut Feature para sa mga baguhang direktor na sina Allan Michael Ibanez at Dexter Paglinawan Hemedez sa 2016 All Lights India International Film Festival, habang si Lotlot ay pinarangalan din dito ng Special Acting Citation.
Muli itong magku-compete sa 50th Annual Worldfest-Houston International Film and Video Festival sa April 21-30 sa Houston, Texas sa Amerika.
Bukod sa pagsali ng 1st Sem sa international film festivals, masaya rin si Lotlot na magkakaroon ito ng nationwide screening simula sa April 26, 2017. Kasama niya sa cast sina Darwin Yu, Miguel Bagtas, Sebastian Vargas, Sachie Yu, at Allan Paule. (GLEN P. SIBONGA)