Sumakabilang-buhay na ang isa sa kilalang OPM songwriters and composers na si Wilfredo Buencamino Cruz o mas kilala bilang si Willy Cruz.
Namaalam si Willy dakong ala-una ng madaling-araw kahapon. He was 70 years old.
Wala pang nilalabas na balita ang pamilya ni Cruz kung ano ang naging sanhi ng pagpanaw niya.
Nakilala si Willy sa mga sinulat at na-compose niyang mga awitin na naging theme songs ng mga sikat na pelikula noong mga dekada ‘70s, ‘80s at ‘90s.
Ilan sa mga awiting iyon ay inawit at pinasikat ng mga singers tulad nila Nora Aunor, Sharon Cuneta, Hajji Alejandro, Nonoy Zuñiga, Zsa Zsa Padilla, Pilita Corrales at marami pang iba.
Ang ilan sa mga hindi nalilimutang love songs at movie theme songs na kanyang nilikha ay “Bituing Walang Ningning,” “Pangarap Na Bituin,” “Sana’y Wala Nang Wakas,” “Sana’y Maghintay Ang Walang Hanggan” ni Sharon Cuneta; “Never Say Goodbye,” “Doon Lang”, “Init Sa Magdamag,” “Kumusta Ka” ni Nonoy Zuniga, “May Minamahal,” ni Hajji Alejandro; Sana Maulit Muli” ni Gary Valenciano; “Kung Mahawi Man ang Ulap” ni Dulce at “Kahit Na” ni Zsa Zsa Padilla.
Sa social media ay nagpahayag ng kanilang pakikiramay sa pamilya ni Willy Cruz ang ilang local performers na nakatrabaho ng award-winning composer. Tinuturing na isang institusyon na sa local music industry si Cruz katulad nila Ryan Cayabyab, George Canseco at Rey Valera.
Kabilang sa mga nakiramay via Twitter ay sila Lea Salonga, Jim Paredes, Jed Madela, Jungee Marcelo, at Ogie Alcasid.
Isinilang si Willy sa San Miguel, Maynila noong January 30, 1947.
Nagsimula siyang mag-compose ng mga kanta para sa TV commercials at pelikula noong ‘70s, at nakilala ang husay niya noong 1975 nang manalo bilang 1st Prize sa World Popular Song Festival ang “Araw-Araw Gabi-Gabi.” (RUEL J. MENDOZA)