PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Sampung katutubong Tagbanua na kabilang sa mga namamahala ng pamosong Kayangan Lake sa bayan ng Coron, Palawan ang isinailalim sa pagsasanay bilang lifeguard, diver at water rescuer.
Ito ay isinagawa bago ang pagbabalik operasyon ng lawa noong unang linggo ng Abril makaraang isara ito sa mga turista na tumagal din ng dalawang linggo.
Ani Sangguniang Bayan Member Mike Sadwahani, chairman ng committee on tourism, naging magkatuwang ang lokal na pamahalaan at ang katutubong pamayanan sa lugar sa layuning matiyak na ligtas ang sino mang bisitang dadayo sa Kayangan.
Bukod sa pagsasanay, nagsagawa rin ng inspeksyon ang LGU sa paligid ng lawa upang alamin ang nararapat at kinakailangang idagdag para sa kaligtasan lalo na ng mga maliligo at sisisid sa lawa.
Magugunitang dalawang turista ang nalunod sa lugar matapos na sisirin nito ang kailaliman ng Kayangan sa kabila nang walang kasamang life guard o tour guide at hindi gumamit ng tangke na maaaring magsilbing hangin sa ilalim ng tubig.