PULILAN, Bulacan (PIA) – Kayang umani ng hanggang 200 kaban ng Palay kada ektarya ang isang karaniwang magsasaka kung tatangkiling gumamit muli ng binhing Hybrid.
Ito ang pinatunayan ng Department of Science and Technology o DOST sa isinagawang Farmers’ Field Day on Mechanized Hybrid Rice.
Ayon kay DOST Regional Director Julius Caesar Sicat, ito ay uri ng binhi na pinagsama sa iisang binhi ang Babae at Lalaking Palay na walang pollen grains.
Kanyang ibinahagi na sa Nueva Ecija, nakaka-ani sila mula 180 hanggang 200 na kaban ng Palay kada ektarya kaya kumpyansa siya na magagawa rin ito sa Bulacan partikular na sa Pulilan pagkat pareho lamang ang uri ng lupa doon.
Kaugnay nito, nais ng DOST, sa pamamagitan ng Department of Agriculture na muling maipalaganap sa mga kanayunan ang paggamit ng mga magsasaka sa Hybrid seeds.
Taong 2002 nang unang inilunsad ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Hybrid Rice Commercialization Program upang maparami ang ani ng Palay kahit na maliit ang lupang sakahan.