Usong uso sa ating mga Pinoy ang mga katagang “Pahiram naman ng pera, ibabalik ko na lang sa pay day.”
Pero nakalipas na ang madaming pay day, hindi pa din nababayaran ang inutang. NAGKAKALIMUTAN NA at nagkakasakit ng AMNESIA!
Bakit kaya patok na patok ang pangungutang dito sa Pinas at dahil ito ay isa nang naging:
TRADISYON
Malaki ang influence ng mga magulang natin. Kung pangungutang ang naging LIFESTYLE nila, malamang ito ay magagaya ng kanilang mga anak.
Isang halimbawa na lang ay ang fiesta. Para walang masabi ang kapitbahay at kamag-anak, kahit walang-wala na, pipilitin pa din na maghanda para lang hindi mapahiya.
Natatakot na masabihan nang madamot (kahit nagtitipid lang naman talaga), kaya mas pinipiling mangutang kahit duda na ito ay mababayaran in the future.
Ang iba naman kaya mahilig mangutang ay dahil sa sobrang pagod na pagod sa work. Kaya pagdating ng sweldo, ang iisipin ay they:
DESERVE A REWARD
At ang naiisip na reward ay puro mga WANTS na para sa panandaliang saya lamang. Inom, eat-all-you-can, gadget, at kung anu-ano pang mga bagay na hindi naman talaga kailangan.
Hindi na na-consider ang pag-achieve ng long-term goals at ang reward nito. Gusto nalang na bawat kibo’t galaw ay may ka-akibat na pagpapala.
Okay naman kung pagbigyan ang mga wants paminsan-minsan, hangga’t ang ipinang-gagastos ay extra cash at hindi yung pera para sa mga pangunahing pangangailangan.
Ang iba naman ay sadyang:
TAMAD LANG
Ayaw maghirap kaya umaasa na lang sa iba. Panay pasarap ang gustong gawin at inaasa na lamang sa mga nagmamahal sa kanya ang pag-sustento ng mga luho at pangangailangan niya.
Gusto lagi nalang kumportable, kahit hindi nagtatrabaho. Manghihiram ng pera habang naghahanap ng trabaho, pero ipangsusugal dahil nagba-baka sakali na manalo sa pamamagitan ng “mas madaling” paraan ng pagkakaroon ng pera. Ang ending, palubog nang palubog sa utang!
Pero para sa kanya, ayos lang at normal ang ganitong lifestyle. Ang nakatatak kasi sa isip: “Hindi bale nang tamad, hindi naman pagod.”
At higit sa lahat, ang pinag-uugatan ng pagkahilig sa pangungutang ay maaaring ang pagiging:
MA-PRIDE
Dahil ayaw makitaan ng mali, mangungutang para panghanda sa mga okasyon, kahit wala namang cash on hand at hindi naman sure na may paparating na pera. Ang importante para sa kanya ay maipapakita niya na kaya niyang maghanda ng engrande. Ayaw AMININ na may hangganan ang kakayanan niya.
Laging iniisip ang sarili kaya iniisip na laging may kapalit agad na reward ang bawat pagtatrabaho. Masyadong SELF-ABSORBED kaya hindi bale nang manghingi sa kapwa, masunod lang ang luho.
Feeling VIP palagi kaya feeling lagi siyang pagsisilbihan ng mga taong nakapaligid sa kanya sa pamamagitan ng pagpapautang. Dahil importante ang tingin niya sa sarili niya, chillax na lang siya habang hinihintay ang mga biyayang sa mga taong inutang niya.
Kahit ano pa man ang dahilan, ang utang ay utang.
Ito ay isang responsibilidad hindi karapatan. Kung marunong manghiram dapat may responsibilidad ng magbayad.
Dahil yan ang tamang gawin!
THINK. REFLECT. APPLY.
Ikaw, may kakilala ka bang mahilig mangutang? Nabayaran ka na ba? Ano sa palagay mo ang dahilan? (Chinkee Tan)