KORONADAL, South Cotabato (PIA) – Nababahala ang mga opisyal sa South Cotabato sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga taong namamatay dahil sa rabies.
Sa isang panayam, inihayag ni provincial health officer Dr. Rogelio Aturdido Jr., na mula Enero 1 hanggang Abril 23, siyam katao na sa South Cotabato ang nasawi dahil sa rabies na dulot ng kagat ng asong may rabies virus.
Paglilinaw ng opisyal, dalawa sa mga naturang biktima ay nakagat ng asong may rabies sa labas ng lalawigan pero dito na lumala ang kanilang kalagayan at nasawi.
Sa ulat ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit ng Integrated Provincial Health Office 4 sa naging biktima ay galing sa bayan ng Tboli, 2 sa Lake Sebu at tig-isa sa Lungsod ng Koronadal, Polomolok at Banga. Pinakabata sa mga nabiktima ay anim na taong gulang na batang lalaki.
Binigyang-diin pa ng ulat na matapos nakagat o nakakain ng karne ng asong may rabies, walang kahit isa sa mga biktima ang sumailalim sa post-exposure prophylaxis o gamutan para mapigilan ang pagkalat ng rabies virus.
Muli’t muli, ipinaalala ni Dr. Aturdido sa mga nakagat ng aso at iba pang hayop na agad hugasan ng sabon at dumadaloy na tubig ang sugat at pumunta sa animal bite center para sa agarang gamutan.