KAMAKAILAN pala ay pumanaw na ang beteranong character actor na si Danny Labra. Tila hindi ito masyado nabalita sa showbiz entertainment news, maging sa social media man lamang.
Sa sarili nitong Facebook account, ang isa sa kanyang mga apo ang nag-update ng mga balita sa pagyao ng kanyang Lolo Danny, na inihatid sa kanyang huling hantungan noong April 13, Holy Thursday.
Makikita rin sa nasabing social media account nito ang isang napakarangyang flower arrangement na pinadala ni Coco Martin, na hindi nakalimot makiramay sa yumaong veteran actor, na for sure ay nakatrabaho rin ni Coco sa TV at pelikula.
Mula pa noong 1980s ay kay raming pelikulang nilabasan ni Mang Danny, na nakilala rin bi-lang “Boy Balisong” sa kanyang acting career. Sa ibabaw nga ng kanyang kabaong na naka-post sa FB account nito, nakaibabaw dito ang paborito niyang gamiting balisong at sombrero, na isa rin sa kanyang “trademark” na isuot.
Hindi matatawaran ang mga malalaking pangalang nakasama niya sa pelikula, lalo na sa pamamayagpag ng action films noon tulad nina Fernando Poe Jr., Ace Vergel, Rudy Fernandez, Ramon Revilla, Eddie Garcia, Phillip Salvador, Cesar Montano, at marami pang iba.
Paborito rin siyang isama sa cast sa maraming comedy films ni Vic Sotto.
Halos lahat ng mga batikan at matitinik na director sa pelikula ay nakatrabaho rin niya sa loob ng mahigit 36 long years na itinagal niya sa industriya.
Ilan sa mga pinaka-remarkable performances niya sa big screen ay ang “Bomba Arienda” (1985), “Anak ng Kumander” (2008), at ang “Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story” (2011).
Sa internet (IMDB), ang naka-rehistrong mga pelikulang nagawa ni Mang Danny ay 148 films, mula pa noong 1981.
Ang huling nilabasan niya ay ang “Espesyal Kopol”, isang comedy flick na tampok sina Pooh at K Brosas, shown noong 2015.
Nagkaroon rin pala ng “benefit show” para sa mga expenses ng pagpapalibing ni Mang Danny sa Ka Freddie’s Bar sa Quezon City.
Sa nasabing show ay nag-perform sina Cesar Montano, Anthony Castelo, Rommel Padilla, at ilan pang mga naging kaibigan nito sa industriya. (MELL T. NAVARRO)