Ipinag-utos ni Manila Mayor Joseph Estrada sa Manila Police District (MPD) na panatilihin ang mahigpit na seguridad sa buong lungsod hanggang May 1 dahil sa inaaasahang kabi-kabilang kilos protesta ng iba’t ibang militant groups sa Labor Day.
Ibinigay ni Estrada ang order para maiwasan ang pagkakaroon ng kaguluhan at para maprotektahan ang motorists at commuters.
“It’s everyone’s right to assemble and air their grievances, but when these protesters go violent and unruly, our police are under instructions to deal with them appropriately,” sabi ni Estrada.
Mahigpit ding ipinag-utos ng mayor kay MPD director Chief Supt. Joel Coronel na panatilihin ang maximum tolerance para hindi na maulit pa ang naganap na violent dispersal sa US Embassy noong nakaraang Oct. 19, kung saan maraming anti-US protesters at police ang nasaktan.
Daan-daang protesters ang inaasahang dadagsa sa mga kalye para pagdiriwang ng Labor Day na, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU), ay sesentro sa lumalalang kondisyon ng Filipino workers sa ilalim ng Duterte administration, lalo na ang patuloy na contractualization.
Sinabi ni Coronel na ang malalaking protesta ay inaasahang gaganapin sa Roces Bridge sa Mendiola, Liwasang Bonifacio sa tapat ng Manila Central Office, at US Embassy sa Roxas Boulevard.
“We have consulted with some leaders of these labor groups and coordinated with them for peaceful holding of rallies. But nonetheless, we are securing these areas starting on the midnight of April 30 until such time matapos lahat ang rallies,” pahayag ng MPD chief.
Ayon pa kay Coronel, nanatiling nasa full alert ang MPD para ASEAN summit.
Nasa 1,600 security personnel ang itatalaga sa buong Manila sa Lunes. (Analou De Vera)