LUCENA, Quezon – (PIA) Ipagpapatuloy ng pamahalaang panglungsod ng Lucena ang pagbibigay ng trabaho sa mga sumukong drug pusher at user sa lungsod na ito upang tuluyang makapagbagong buhay.
Ayon sa ulat ng Public Information Office, sampung araw na maglilingkod sa barangay at sa pamahalaang panlungsod ang mga sumuko na kung saan ay magkakaroon rin sila ng kaukulang sweldo sa kani-lang gagawing serbisyo.
Ayon kay acting Lucena City PNP Chief Art Brual, isa rin ito sa mga binibigyang pansin ni Mayor Roderick “Dondon” Alcala na kung saan ay per batch na ibibigay ang trabaho.
Ayon pa sa hepe ng Lucena City Police, sa simula ng kaniyang pag-upo bilang acting chief, ang naturang programa ay ang kanilang na-prioritize sa pakikipagtulungan sa ilang mga ahensya tulad ng Department of Labor and Employment, City Anti-Drug Abuse Council, City Public Employment and Services Office at ng pamahalaang panlungsod upang mabigyan ng pagkakataon ang mga sumuko na magkaroon ng trabaho at makapagbagong buhay.
Pinasalamatan rin ni Col. Brual si Mayor Dondon Alcala sa walang sawang pagtulong at pagsuporta nito sa lahat ng kanilang programa lalo’t higit sa pagsugpo ng illegal na droga sa lungsod.