Nagsalita na si Miho Nishida tungkol sa iba’t ibang isyung nagsupultan na may kaugnayan sa breakup nila ni Tommy Esguerra.
Una ngang nag-react si Miho sa espekulasyong diumano’y ginamit lang siya ni Tommy para sa karera nito. Itinaon pa umano ang paghihiwalay nila sa pagtatapos ng teleserye nilang Langit Lupa. “Sa akin po, parang hindi ko naman po inisip at ayoko pong isipin na ginamit ako. Kasi naramdaman ko rin naman po yung love niya para sa akin. Nagkataon lang po iyon (nasabay sa pagtatapos ng Langit Lupa). Dahil sa amin po hindi naman po namin plinano na after the show, wala na. So, parang siguro na-timing lang talaga,” paliwanag ni Miho nang mag-guest siya sa ABS-CBN morning talk show na Magandang Buhay.
Ano ang nami-miss niya kay Tommy? “Ang nami-miss ko siguro yung mga moments namin na masasaya. Kasi nag-start kami talaga sa PBB, nakilala ko siya sa PBB. So, nag-start kami as friends. Siyempre nakilala ko rin siya, kahit hindi kami nakakaintindihan (language barrier), nagkakaintindihan naman kami sa kulitan.”
Kumusta na ang puso niya ngayon? “Okay naman po. Siguro ganun po talaga, wala naman po sigurong perfect na relationship.”
Saan siya humuhugot ng tapang? “Hindi naman po siguro matatapos ang buhay ko nang dahil sa ganitong natapos na relationship. So, ang para sa akin lang, siyempre laban.”
Nalungkot si Miho sa breakup nila pero hindi raw niya ito iniyakan. May galit ba siya kay Tommy? Wala po. Siguro po tampo sa sarili ko at sa kanya na parang hindi lang kasi namin nagawa na eksaktong hindi kami nagkaintindihan sa language. So, sana naayos namin iyon at the time.”
Nawala ba ang pagmamahal? “Siguro hindi naman po sa nawala. Pero ang kailangan ko pong gawin ngayon… yun nga po alam ko na sa sarili ko kung ano yung kulang sa akin, so iyon po yung kailangan kong ihasa o i-buildup o i-improve sa sarili ko na mag-aral ako ng English, mag-workshop.”
Ano ang natutunan niyang leksyon sa kanyang pinagdaanan? “Wala talagang perpektong relationship. Kahit sabihin mo na pinakilig namin yung buong mundo, kinilig sila. Siyempre tao lang talaga kami. Pero siguro pagdating ng panahon, naniniwala ako na kung talagang kami, kami. Kung hindi, hindi.” (Glen P. Sibonga)