ODIONGAN, Romblon (PIA) – Muling aarangkada ang diskwento caravan ng tangapan ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya o Department of Trade and Industry (DTI) sa ilang bahagi ng probinsiya ng Romblon.
Ang diskwento caravan ay magsisimula sa ika-15 ng Mayo hanggang sa unang araw ng Hunyo sa mga bayan ng Magdiwang, San Fernando, Cajidiocan, Romblon, San Agustin, Banton, Corcuera, Sta. Maria at Santa Fe.
Ayon kay DTI Provincial Caretaker Orville F. Mallorca, mga kagamitang pampaaralan at ilang tanging produktong pambahay ang kani-lang ibebenta sa wholesale price o presyong pang-Divisoria, gaya ng notebook, lapis, ballpen, papel at eraser gayun din ang sabon, sardinas, health drinks at shampoo.
Sinabi rin nito na ang mga ilang produktong nabanggit ay nakuha mula sa mga distributors kaya napakalaki ng matitipid ng mga kababayan natin sa mga kagastusan ngayong pasukan.
Nilalayon ng programa ng diskwento caravan na mabigyan ng konting ayuda ang naghihikahos na pananalapi ng pamilyang Pilipino.