MAMBURAO, Occidental Mindoro (PIA) – Muling magbubukas sa bayan ng Mamburao ang kanilang pamilihang bayan.
Posibleng matapos ang pagsasaayos ng naturang pamilihan sa ika-17 ng Mayo.
Ayon kay Mayor Angelina F. Tria, kinailangang sumailalim muna ang nasabing palengke sa ilang improvements. Kabilang sa mga ginagawa ay ang pagpapalaki ng stalls, pagkumpuni sa drainage system ng ikalawang palapag at pagpipintura ng buong gusali.
“Nakapagpondo tayo ng R2.35 milyon para sa ‘improvements’ na kailangan ng palengke”, saad ni Mayor Tria. Higit na pinagtuunan ng pansin ay ang drainage pipes ng ikalawang palapag kung saan, base sa disenyo ng palengke, ay siyang paglalagyan ng wet market section. Ipinaliwanag ng punong bayan, na lumabas sa kanilang inspeksyon, malaki ang problemang idududlot ng mga sirang drainage pipes sa mga ilalagay na tindahan sa unang palapag kapag hindi ito isinaayos. “Dahil nga wet market, malansa ang duming manggagaling sa drainage pipes”, dagdag pa ng mayor.
Ang pamilihang bayan ng Mamburao at matagal na hindi nagamit. Iniutang sa bangko ng nakaraang administrasyon ang pagpapagawa sa nasabing pamilihang bayan sa halagang higit sa P100 milyon. Ayon kay Mayor Tria, hindi naging tama ang proseso ng pangungutang na siyang nagsilbing basehan upang paboran ang kasalukuyang pamahalaang lokal (LGU Mamburao) sa kasong kinaharap nito laban sa bangko na nagpautang.