Bukas daw ang presidential son na si Sebastian “Baste” Duterte sa posiblidad na makatrabaho ang dating presidential sister na si Kris Aquino at maging guest ang TV host-actress sa kauna-unahang TV show ni Baste sa TV5, ang Lakbai.
“Kung ako, kung mailalagay nila si Kris, wala namang problema sa akin yun,” sabi ni Baste.
Dati nang nakapag-host si Kris ng lifestyle show na Kris TV sa ABS-CBN na may tema ng travel, food, at adventure, bukod sa nagkaroon pa siya ng travel special sa GMA na Trip ni Kris. Kaya bagay ding maging guest co-host si Kris kung sakali sa Lakbai, isang reality adventure show kung saan dadalhin ang mga manonood sa magagandang travel spots at maituturing na “secret spots” sa Pilipinas na hindi pa masyadong napupuntahan ng mga tao.
Ang Lakbai ay hindi lang basta travel show dahil itatampok din dito ang kultura at kabuhayan ng mga tao sa pupuntahan nilang mga lugar, pati na ang mga pagkain, delicacies, at exotic cuisines na matatagpuan dito.
Siyempre kabilang din sa highlights ng Lakbai ang TV debut ni Baste, at ang pagsabak niya sa iba’t ibang adventures at challenging quests sa show kasama ang kanyang mga kaibigan – si Bogart the Explorer, ang internet sensation na nakilala dahil sa kanyang viral videos; si Sboi Malicay, ang kababata ni Baste sa Davao; si Andrei Apostol, ang creative guy at designated videographer ng barkada; at si Atty. Alexis Lumbatan, ang confidante ni Baste.
Nakapag-taping na sila ng apat na episodes, kumusta naman ang naging experience ni Baste bilang first-time host?
“Yung first two episodes medyo ilang pa talaga ako sa camera, hindi ako nagsasalita. Tapos yung third and fourth, medyo okay na. Basta dito niyo makikita kung sino talaga ako. Tinatanong niyo how is it to be the presidential son, iyon makikita niyo dito yun.”
Para sa first season at 8-week special ng Lakbai, dadalhin tayo nina Baste sa Davao, Bukidnon, Surigao del Norte, Surigao Sur, Dumaguete Siquijor Island, Bohol, Ilocos, at Mountain Province. Mapapanood ang Lakbai tuwing Linggo, 8:45pm, pagkatapos ng PBA sa TV5 simula sa May 21. (GLEN P. SIBONGA)