Lumahok ang 60 miyembro ng Eastern Police District (EPD) sa unang araw ng “Brigada Eskwela” sa apat na paaralan sa Pasig City.
Kahapon ng umaga, pansamantalang iniwan ng mga pulis ang kanilang karaniwang gawain para magpintura ng mga dingding ng classrooms, mag-repair ng mga bangko, mesa at cabinet; at magdala ng gardening tools para pagandahin ang school gardens sa kanilang lugar.
Tumulong ang mga pulis sa paglilinis ng Barangay Nagpayong Highschool, Barangay Pinagbuhatan High School, Barangay Kapitolyo High School at Pasig Central Elementary School.
“May bababa pa galing ASEAN at dadagdag sa mga magbi-Brigada…tutulong kami hanggang May 20,” pahayag ni Chief Inspector Virgilio Tamayo, chief ng Police Community Relations Group (PCRG).
Ang mga pulis na sumama sa 2017 Brigada Eskwela ay mula sa District Public Safety Battalion, District Headquarters Support Unit at Pasig City Police Station.
“Shifting din kami. Mayro’ng hanggang 1 p.m. then mayroong panghapon. Bibigyan ng commendation ang mga sumali,” sabi ni Tamayo. (Jenny F. Manongdo)