GUIGUINTO, Bulacan (PIA) – Binalaan ni Technical Education and Skills Development Authority o TESDA Director General Guiling Mamondiong ang publiko laban sa scam at mga fixers na nakikipagtransaksyon sa kanilang ahensya.
Sa katatapos na Regional Technical Vocational Education and Training Stakeholders Conference, sinabi ni Mamondiong na ginagamit ng mga ito ang pangalan ng kanilang ahensya kapalit ng paghingi ng salapi para sa aplikasyon ng isang nais mag-aral sa TESDA.
Binigyan linaw pa ng pinuno ng ahensiya na ang isang TESDA scholar ay nakakatanggap ng libreng tuition fee at transportation allowance at mabibigyan ng national certificate na magagamit sa pag-aplay sa trabaho maging sa loob o labas ng bansa.