Dahil sa P100 utang na hindi binayaran, isang 18-taong gulang na lalaki ang sinaksak at napatay ng kaniyang kapitbahay sa Mandaluyong City noong Martes ng gabi.
Kinilala ng Eastern Police District Command (EPDC) ang biktima na si Rolando Tutaan Jr., residente ng Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.
Nang tanungin ng police, sinabi ng suspect na si Ariel Zaragosa na sinaksak niya ng balisong ang biktima dahil tumanggi ang huli na bayaran ang P100 utang niya.
Ayon kay Zaragosa, nagkaroon sila ng pagtatalo ng biktima na nauwi sa suntukan. “Ayaw niyang ibalik ang P100! Siya ‘yung galit, kaya nagsuntukan kaming dalawa.
Nasa loob na po ako, nag-iingay pa po siya. Narindi tenga ko,” pahayag ni Zaragosa. Sinabi ng police na tinangkang awatin ng ilang witnesses ang dalawa ngunit sinaksak pa rin ni Zaragosa ang biktima gamit ang balisong.
Isinugod si Tutaan sa ospital ngunit huli na ang lahat. Naaresto naman kaagad si Zaragosa. (Madelynne Dominguez)