Aminado si Toni Gonzaga na ngayong isa na siyang ina ay naging matatakutin na siya sa heights, pagsakay sa rides at maging sa iba pang adventurous activities. Ibang-iba raw ito noong single pa siya.
“Actually, before noong dalaga talaga ako, wala pa akong anak, ang hilig ko sa mga rides, adventures. Wala akong takot sa heights. Pero ngayon nung nakikita ko na parang may mga heights na nangyayari, mga adventurous na rides na parang mag-50/50 ’yung buhay ko, parang bigla (akong natakot). Ewan ko, ganun ba talaga iyon na pag nanganak ka na, parang nagiging nerbyusin ka na, naging matatakutin ka na?” sabi ni Toni nang maging guest co-host siya sa summer adventure episode ng ABS-CBN morning talk show na “Magandang Buhay” sa isang nature park sa Subic.
Ang concern daw ni Toni ngayon ay ang kanyang anak na si Baby Seve kung sakaling maaksidente o masawi siya sa rides.
“Ang iniisip ko ngayon, worth it ba na baka mabaldado ako o baka may mangyari sa akin. Lalo na ngayon nagbe-breastfeed ako, exclusive ’yung anak ko na talagang sa akin kumakain. Iniisip ko baka pag nawala ako, baka wala nang kainin ’yung anak ko. Nandoon pa ako sa stage na ganun, na medyo konting takot for my life.”
May trivia pa si Toni. “Alam mo nasa age na rin iyon. As we grow older, pag tumatanda ka na raw, mas nababawasan ’yung adventurous side mo. Parang nawe-weigh mo na it’s not worth it.” (Glen P. Sibonga)