Isang lalaki at isang babae ang dinakip ng police matapos nilang atakihin ang isang taxi driver at kunin ang kaniyang P900 na kita sa Quezon City noong Huweves ng umaga.
Pilit na tinatakpan nina Jade Bertoldo, 23, at Jessa Lopez, 18, ang kanilang mukha nang i-presenta sila ng Quezon City Police District (QCPD) sa mga miyembro ng media noong Huwebes ng hapon.
Sinabi ni QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar na sinaksak at kinuryente ng mga suspek si Ronidel Bañez, 49, taxi driver, para makuha sa kaniya ang kinitang pera.
Ang insidente ay nai-record ng isang closed-circuit television camera sa 13th Street, Barangay Mariana. Ayon kay Eleazar, sumakay ang dalawa sa taxi ni Bañez sa Aurora Boulevard at nagpabiyahe sa 13th Street malapit sa E. Rodriguez Sr. Avenue.
Nang makarating sa madilim na bahagi ng daanan, biglang sinaksak ni Bertoldo si Banez ng kutsilyo. Habang nakikipagbuno ang biktima sa lalaking suspek, bigla siyang kinuryente ng babae sa leeg gamit ang isang Taser.
Nakita sa CCTV footage ang pagbaba sa taxi ng driver para humingi ng tulong habang tumakbo naman ang dalawang suspek dala ang P900 cash ng biktima.
Nagkataong may mga pulis na nagpapatrol sa lugar at kaagad na inaresto sina Bertoldo at Lopez. Na-recover sa kanila ang kanilang mga armas at ang pera ng biktima. (Vanne Elaine P. Terrazola)