Isang AWOL (absence without leave) na pulis ang inaresto ng mga awtoridad matapos madiskubre ang unlicensed firearms at bala sa kaniyang bahay sa Binondo, Manila, Huwebes ng hapon.
Kinilala ng police ang nadakip na si PO1 Cornelio Juanitas Jr., dating naka-assign sa Regional Personnel and Holding Account Unit (RPHAU) ng Philippine National Police.
Base sa initial investigation, nakatanggap ang Meisic Police Station ng tip na may itinatagong mga baril si Juanitas sa loob ng kaniyang bahay sa 167 Area C, Gate 54, Parola Compound, Binondo district.
Dinakip si Juanitas bandang 5:15 p.m. sa kaniyang bahay. “Noong ma-sense niya na ‘yung mga papalapit ay mga kapulisan, pumasok siya sa loob ng kanyang bahay.
Naiwan niyang nakabukas kaya na-corner natin siya sa loob ng kanyang bahay,” pahayag ni Supt. Amante Daro, Meisic Police station chief.
Nakumpiska sa suspek ang dalawang .45-caliber guns, isang .38-caliber gun, improvised handgun, mga bala, at materyales sa paggawa ng baril. Na-recover din doon ang isang sachet ng shabu at drug paraphernalia. (Analou de Vera)