BATANGAS (PIA) – Isinagawa ang Operation Smile, isang surgical mission na nagkakaloob ng libreng operasyon sa mga mahihirap na Batanguenong may cleft lip (bingot) at cleft palate (ngongo) at iba pang facial deformities noong Mayo 4-6 sa lungsod na ito.
Nauna na rito ang isinagawang screening ng mga benepisaryo na pinangasiwaan ng City Social Welfare and Development Office sa Jesus of Nazareth Hospital noong Mayo 3 kung saan 68 benepisaryo ang nakinabang. Bukod sa libreng operasyon ay nagkaloob naman ang City Health Office ng libreng gamot at post operation check up alinsabay ng pagtuturo sa mga magulang ng tamang pamamaraan ng pagpapakain sa mga ito.
Isinulong ang naturang gawain sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng Batangas Rifle and Pistol Group (BRPG) sa pangunguna ni G. Leonilo Macatangay na taunang nagsasagawa ng iba’t-ibang community service. Para sa taong ito, napili ng samahan ang proyektong ito dahilan sa malaking halagang matitipid ng mga pasyente kung sasailalim sa operasyon na nagkakahalaga ng R100k-R150k.
Batay sa tala, ang Pilipinas ay isa sa may pinakamataas na incident ng cleft lip at cleft palate sa buong mundo lalo na sa mahihirap na sector dahilan sa poor nutrition at genetics. Isa sa bawat 500 batang isinisilang o 2.3% ng birth rate o 4,000 bata kada taon ang ipinapanganak na may ganitong kundisyon.