KORONADAL, South Cotabato (PIA) – Kasalukuyang sumasailalim sa pagsasanay sa search and rescue operations ang 21 na tauhan ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at Reserve Command ng AFP sa South Cotabato.
Sa isang panayam, sinabi ni Mila Lorca, action officer ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office,
na pinamamahalaan ng 505 Search and Rescue Group ng Philippine Air Force ang specialized search and rescue training ng mga SAR team ng AFP, PNP at Reserve Command. Ang bawat team ay binubuo ng 7 miyembro.
Ang pagsasanay na nagsimula noong Mayo 18 at magtatapos sa Hunyo 2 ay kinabibilangang ng ilang training modules ulad ng first aid, high angle rappel and extrication techniques, land navigation, ropemanship and water survival and rescue at iba pa.
Ani Lorca, mahalaga ang nasabing pagsasanay dahil maliban sa kanilang regular na mandato, may responsibilidad din ang AFR, PNP at Reserve Command na magsagawa ng humatarian assistance tulad ng pagtulong sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Napag-alaman na pagkatapos ng kanilang pagsasanay magiging auxillary member ng 505 search and rescue group ng Philippine Air Force ang nagsasanay na mga SAR team.
Tutulong din sila sa pagsasanay ng iba pang mga search and rescue teams sa South Cotabato at ibang lugar, ayon kay Lorca.