Hindi pabor ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) chief sa panukalang bigyan ng armas ang traffic enforcers dahil maaaring magbunga ito ng mas maraming problema kaysa solusyon.
Sinabi ni MTPB chief Dennis Alcoreza na tutol siya sa ideya dahil malaki ang kaakibat na responsibilidad ang pagkakaroon ng baril.
“Baka mas maging problema pa. Our traffic enforcers need more rigid training, and of course, they should be mentally and emotionally fit to carry a gun,” pahayag ni Alcoreza.
Ayon naman kay Manila Mayor Joseph Estrada, masusi niyang pag-aaralan ang panukalang ito.
“Di tayo basta-basta nag-iissue ng ganyan. Pag-aaralan muna natin ‘yan,” sabi ni Estrada.
May mga nagpanukala na bigyan ng baril ang MTPB enforcers matapos ang mga insidente ng pangha-harass sa kanila ng mga galit na motorista. (Jaimie Rose R. Aberia)