PUERTO PRINCESA, Palawan (PIA) – Nagkaisa ang business sector upang bantayan ang Sitio Sabang sa Barangay Cabayugan kung saan matatagpuan ang Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) matapos magpalabas ng travel advisory ang Estados Unidos tungkol sa napaulat na banta ng terorismo.
Agad na nabuo ang “Bantay Sabang” na kinabibilangan ng mga opisyales ng community based sustainable tourism (CBST), mga may-ari ng resort at restaurant sa lugar, Philippine Coastguard (PCG), City Police, at PNP-Maritime.
Layon ng binuong grupo na magmanman, magbantay at matiyak ang kaligtasan ng mga turistang dumarayo sa parke at nasasakupang lugar nito.
“Kung dati po ay mga pulis at coast guard lang ang makikitang nagbabantay sa PPUR, sa ngayon po kasama na ang ating mga stakeholders, ang mismong komunidad”, ani Elizabeth Maclang, Superintendent ng PPSRNP nang humarap ito sa Sangguniang Panlungsod.
Tiniyak ng pamunuan ng PPSRNP na mananatili rin ang presensya ng grupo sa mga lugar na nasasakupan ng parke may banta man o wala sa seguridad ng pasyalan.
Maliban sa Bantay Sabang, may tropa rin ng sundalo na nakaalerto ano mang oras para matiyak ang kapayapaan sa parke at sa ilan pang destinasyon ng mga turista sa lungsod.