Kabilang si Hajji Alejandro sa mga sikat na mang-aawit noong ‘70s sa panahon na kung tawagin ay Golden Age of Pinoy Music.
Naging big hits ang kanyang mga singles na “Panakip-Butas”, “May Minamahal”, ‘Tag-Araw, Tag-Ulan”, “Nakapagtataka”, “Ikaw at ang Gabi”, “Kay Ganda Ng Ating Musika” at marami pang iba.
Tinawag pa noon si Hajji na “Kilabot ng mga Kolehiyala” dahil maraming babaeng nai-in love kapag napapanood siyang kumakanta sa TV or sa mga live shows.
Kabilang ang 62-year old singer sa nalulungkot dahil sa hindi magandang kalagayan ng OPM (Original Pinoy Music) ngayon.
Mas tinatangkilik ng maraming kabataan ang mga foreign artists. Sana naman daw ay bigyan-pansin din ng mga millennials ngayon ang magandang tunog ng OPM.
“I can’t help but compare the situation now sa naging panahon namin.
“During our time, big deal ang magkaroon ka ng hit na original song.
“Lahat ng awitin namin noon, it’s all original Pinoy music. Bihira ka-ming mag-record ng cover versions ng ibang artist.
“Kaya siguro kami nila Rico J. Puno, Marco Sison, Basil Valdez and iba pang kapanahunan ko ay kilala pa because of our music.
“Iba na kasi ang panahon, I must agree. Pero sana, ‘yung OPM huwag nilang bale-walain kasi diyan makikita ang yaman ng bansa natin in terms of music,” diin pa ni Hajji.
Gusto sana ni Hajji na mabalik ang galing ng Pinoy sa pagsulat ng awit tulad noon na may song-writing competition na Metro Manila Popular Music Festival or Metropop.
“Metropop gave birth to so many song writers sa bansa. Diyan nanggaling sila George Canseco, Freddie Aguilar, Louie Ocampo, Jose Mari Chan, Charo Unite, Gines Tan, Gary Granada, Nonong Pedero and so many others who gave us those unforgettable OPM songs na inaawit pa rin ng mga baguhang singers ngayon.
“How we all wish na bumalik ang ganyang klaseng contest para mu-ling ma-enrich ang bagong generation sa OPM.”
Kaya sa May 27, mapapanood si Hajji kasama sina Ariel Rivera, Christian Bautista, Joey Generoso, Nina at Jinky Vidal para ipakita ang husay ng OPM artists sa muling pag-stage ng #LoveThrowback2 (The Repeat) sa PICC Plenary Hall.
(Ruel J. Mendoza)