Tatlong construction workers ang nasaktan matapos aksidenteng madikit sa isang live wire ang iron bar na binubuhat nila sa Pasay City kahapon.
Kinilala ni Chief Inspector Rolando Baula, head ng Pasay police’s investigation unit, ang mga biktima na sina Alfredo Catacutan, 22; Adrian Manalili, 37; and Ernesto Casero, 27, mula sa Pampanga at trabahador ng Mt. Era Star Construction, Inc.
Base sa police report, nagtatrabaho sina Catacutan, Manalili at Casero sa fourth floor ng ginagawang building sa FB Harrison Street corner Hernandez Street, Barangay 76 nang madikit sa live wire ang dala nilang iron bar. Natumba ang tatlo sa sahig dahil sa lakas ng kuryente.
Isinugod sa San Juan de Dios Hospital ang mga biktima. Nagtamo ng minor injuries sina Manalili at Casero at agad na pinauwi matapos magamot. Mananatili naman sa ospital si Catacutan dahil sa second degree burns sa ulo at mga kamay. (Martin A. Sadongdong)