HANDA raw sina Edgar Allan Guzman at Joross Gamboa sa posibleng pagkukumpara sa pagbibidahan nilang pelikulang “Deadma Walking” at sa Metro Manila Film Festival 2016 entry na “Die Beautiful”. Aminado kasi silang may ilang magkapareho ng element sa dalawang pelikula.
Pero ayon nga kay EA (Edgar Allan), hindi niya raw naisip ang isyung ito nang tanggapin niya ang movie. “Actually, hindi po sumagi sa isip ko na para siyang katulad ng ‘Die Beautiful’. Kasi nakita ko rin naman ‘yung ‘Die Beautiful’ kung paano ‘yung story, and etong ‘Deadma Walking’ nabasa ko rin po ‘yung script, magkaiba naman sila. Kumbaga hindi rin naman humadlang ito sa akin para tanggapin ko itong pelikulang ito dahil sa ‘Die Beautiful’. ‘Yun nga po magkaiba, and feeling ko kami ni Joross magkaiba din doon sa ‘Die Beautiful’ (sa roles nina Paolo Ballesteros at Christian Bables),” paliwanag ni EA.
Dagdag pa ni Joross, “Feeling ko parehas lang sila doon sa konsepto na may wake, ‘yung burol, at saka ‘yung mayroong gay part. Pero iba ‘yung atake nito e, iba ‘yung iikutan ng kuwento kapag nabasa niyo talaga ‘yung script. Mayroon mga positive at mayroon din negative ano (comments) kapagmaku-compare. So, kami ang kukunin na lang naming ‘yung mga positive, and kung anuman ‘yung mga negative ide-deadma na lang namin.”
Gagampanan nina EA at Joross sa “Deadma Walking” ang roles ng gay best friends na sina Mark at John, respectively. Si Mark ay lantad na bakla habang si John naman straight-acting gay o sa gay lingo ay tinatawag na pamhinta. Dahil sa ilang personal issues ay pepekein ni John ang kanyang pagkamatay gayundin ang kanyang burol. Kasabwat nga niya ang kaibigan niyang si Mark.
Masaya lang sila EA at Joross na sila ang napili para pagbidahan ang “Deadma Walking”, na tinaguriang pamatay na beshie comedy movie ng taon. Makakatulong daw ang pagiging magkaibigan nila sa totoong buhay para magampanan ang roles nila sa movie. Ibang-iba at very challenging daw ang roles nila rito kumpara sa mga nagawa na nila dati.
Ang Palanca awardee na “Deadma Walking” ay sa ilalim ng panulat ni Eric Cabahug, sa direksyon ni Julius Alfonso, at produced by T-Rex Productions. Plano nila itong ipasok na entry sa Metro Manila Film Festival 2017. (Glen P. Sibonga)