By Ruel J. Mendoza
Masaya ang Kapuso actor na si Gabby Eigenmann dahil sa success ng career ni Jennylyn Mercado sa showbiz.
Kinuwento pa ni Gabby na nagsisimula pa lang si Jennylyn ay nakasama na niya ito sa ilang shows sa GMA-7 at ikanatutuwa niya ang pag-angat ng career nito.
“Jennylyn has come a long way indeed.
“Kasi una kong nakatrabaho si Jen was in 2004 sa teleserye na “Forever In My Heart”. Kakapanalo pa lang nila ni Mark Herras that time sa “Starstruck”.
“Then nakasama ko ulit si Jen sa “I Luv New York” and then, “Super Twins”. Ilang beses din kami nagkakasama sa ilang events ng GMA-7.
“Nakakatuwang makita na survivor talaga si Jennylyn.
“I mean, sa mga pinagdaanan niya sa buhay, may ibang tao na magi-give up na lang. But Jen is a strong woman kaya hanggang ngayon nandito pa rin siya and I am happy to be working with her again,” ngiti pa ni Gabby.
Kasama si Gabby sa Pinoy version ng hit Koreanovelana “My Love From The Star”.
Sa naturang teleserye, gagampanan ni Gabby ang TV network owner kunsaan nakakontrata ang character ni Jennylyn as Steffi Chavez bilang isang sikat na artista.
“I play Jackson and I hold a secret at gagamitin ko si Steffi para mapagtakpan iyon.
“Very scheming si Jackson and behind sa pinapakita niyang disenteng pagkatao niya, he’s a dangerous man na gagawin ang lahat for power.”
Hindi ba nami-miss ni Gabby ang magbida ulit sa isang teleserye? Huli siyang nagbida ay sa teleserye na “Dading” noong 2014.
“Siyempre, nami-miss ko rin. Pero nami-miss ko rin ang magkontrabida.
“Kapag bida ka kasi, anglaking responsibility. Kapag hindi nag-rate ang pinagbidahan mong teleserye, ang sisi ay nasa iyo.
“Kaya mas masarap maging kontrabida kasi napaglalaruan mo ang kahit na anong role,” pagtapos pa ni Gabby Eigenmann.