Matagal na palang paborito ng Kapuso actor na si Derrick Monasterio ang theme song ng Mulawin na “Ikaw Nga” na pinasikat ng bandang South Border noong 2004.
Kuwento ng aktor, ang naturang song ang pinanlalaban niya sa mga singing contest na sinasalihan niya sa school noon at parati siyang nananalo.
“Mataas pa kasi angboses ko noon. Tsaka member ako ng boys choir ng Claret School of Quezon City.
“Pang-contest talaga ang song na ‘yan kaya favourite ko ‘yan.
“Gusto kong mag-record sana ng sarili kong version para sa “Mulawin Vs. Ravena”. Nainggit ako kasi dahil ang boy band na To The TOP ang kumanta ng theme song.
“Siguro mag-record na lang ako ng own version ko at kapag may mall show kami ng show, ‘yon ang kakantahin ko,” ngiti pa ni Derrick.
Sa “MulawinVs. Ravena”, gaganap si Derrick bilang si Almiro, ang bagong sugo dahil siya ang anak nila Alwina at Aguiluz na originally ay ginampanan nila Angel Locsin at Richard Gutierrez.
Pero sa simula ng kuwento ay hindi niya alam na isa siyang Mulawin dahil lumaki siya sa nakilalana niyang lola played by Nova Villa.
“Lumaki akong farm worker ditto sa isang malaking hacienda na pag-aari ng pamilya ni Kiko Estrada. Siya ‘yung magiging kontrabida ko rito.
“Inilayo ako ng ina kong si Alwina (now played by Heart Evangelista) para hindi ako mapatay ni Gabriel (Dennis Trillo) dahil siya ang hari ng mga Ravena at ang unang gagawin niya ay patayin ang sugo ng mga Mulawin.
“Kaya inalis ni Alwina ang ugat-pak ko para makalimutan ko kung sino ako at magmukha akong normal na tao,” kuwento pa niya.
Magarbo ang costume ng mga characters ng Mulawin, kaya iba ang feeling ni Derrick kapag suot na niya ang costume niya bilang si Almiro.
“Sa photo shoot pa lang namin, feel na feel ko na ‘yung character ko.
“Pero it will take a few more weeks bago ako mag-transform to Almiro.
“Abangan nila kasi sobrang malalaki ang mga eksena ng “MulawinVs. Ravena.” (Ruel J. Mendoza)