KIDAPAWAN, North Cotabato, (PIA) – Mapabibilis na ngayon ang pagsasaayos ng mga farm-to-market road at rehabilitasyon ng mga provincial road sa lalawigan.
Ito ay matapos bumili ng mga dagdag na heavy equipment ang pamahalaang panlalawigan kamakailan.
Nabatid na abot sa R285.2 million ang inilaang pondo sa pagbili sa 12 yunit ng six-wheeler dump truck, apat na yunit ng bulldozer, isang yunit ng boom truck, isang yunit ng low bed trailer, isang yunit ng mobile shop truck at dalawang yunit ng hydraulic excavator truck.
Ang mga bagong heavy equipment ay gagamitin din sa pagresponde sa anumang emerhensiya sa probinsya.
Samantala, noong 2014, abot naman sa R281.3 milyon na halaga ng heavy equipment ang binili ng pamahalaang panlalawigan na ginagamit ngayon sa tatlong distrito ng North Cotabato.
Samantala, isinusulong pa lalo ngayon ng pamahalaang panlalawigan ang pagbabasa sa mga kabataan lalo na yaong mga nasa malalayong lugar sa probinsiya.
Sa tulong ng Bookmobile Library ng pamahalaang panlalawigan, mabibigyan ng pagkakataon ang mga kabataan maging ang mga out-of-school youth na makapagbasa ng iba’t-ibang uri ng aklat at makagamit ng computer at tablet sa pagreresearch.