NAKASALALAY na kay President Rodrigo Duterte kung dapat ganapin pang muli ang Miss Universe beauty pageant sa Pilipinas.
Ito ay ayon kay Tourism Secretary Wanda Teo matapos syang makapanayam sa “The Source” na ipinalabas sa CNN Philippines kamakailan lamang.
“We have to ask the permission of the President. I already flowed the idea that they would want Miss Universe to be here. And he said, you know, we’re still hosting the ASEAN,” sinabi Teo.
Nagbigay ng reaksyon si Teo tungkol dito matapos ialok ng Miss Universe Organization ang pagtatanghal ng naturang beauty contest sa Pilipinas sa dalawang magkasunod na pagkakataon.
Sinabi naman ni Teo na marami pa ring sponsors ang interesado sa pagtatanghal ng Miss Universe contest sa bansa sa Nobyembre.
Makakasabay nito ang pagdaraos sa Pilipinas ng Association of Southeast Asian Nations summit sa Pampanga sa Nob. 13-14.
“It will be in November. We’re still considering if it’s a go or no-go. There are many factors that we have to consider, although we started asking for sponsors. We got lots of yes from sponsors, they’re willing,” dagdag ni Teo.
Darating din sa bansa si Paula Shugart, presidente ng Miss Universe Organization, sa June 7 o 8 para makipag-usap tungkol sa pagdaraos ng nasabing beauty pageant.
Noong Enero, tinanghal si Iris Mittenaere ng France bilang 65th Miss Universe na idinaos sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
Si Rachel Peters naman ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa susunod na Miss Universe pageant.
Sakaling matuloy muli sa Pilipinas ang Miss Universe contest, ito na ang pang-apat na pagtatangghal sa naturang bansa.
Unang ginanap ang Miss Universe sa Pilipinas noong 1974. Sinundan ito noong 1994 at nitong Enero 2017.