Patay ang isang rape suspect nang makipagbarilan sa mga pulis na naatasang mag-serve ng arrest warrant laban sa kanya sa Sta. Mesa, Manila, noong Lunes.
Kinilala ng police ang napatay na suspect na si Selva Benito, Jr., 36, alias Tacks Penuliar, residente ng 921 Anonas Street, NDC Compound.
Ayon kay case investigator SPO2 Jonathan Bautista ng Manila Police District homicide section, naganap ang insidente dakong 1:30 p.m. sa third floor ng isang bahay sa naturang lugar.
Napag-alaman na sini-serve nina PO2 Noel Gapal, PO1 Roching Mar Daming, at PO1 Leozaldo Legaspi Jr. ang warrant of arrest mula sa Manila Regional Trial Court Branch 29 nang tumakbo ang suspect palayo.
Nakipagpalitan siya ng putok sa mga humahabol na pulis na nagresulta sa kanyang pagkamatay.
Base sa report, kasama ang pangalan ni Benito sa police drug watchlist. Dinala ang kanyang bangkay sa Archangel Funeral Services para sa autopsy at safekeeping. (Jaimie Rose R. Aberia)