Patay ang isang motorcycle rider habang sugatan ang limang iba pa sa banggaan ng apat na sasakyan sa Quezon City kahapon ng umaga.
Base sa police report, nagbanggaan ang isang jeepney, van, dump truck at motorcycle sa Payatas Road malapit sa Matapang Street, Barangay Payatas, dakong 5:30 a.m.
Kinilala ng police ang nasawing biktima na si Carlos Arca, 39, ng Litex Road, Quezon City. Sugatan naman ang drivers na sina Jesus Eser, 60; Jesus Guerrero Jr., 38; Roberto Tapang, 40;at pedestrians Ely Nidea, 44, at Jostino Lauraya, 47.
Ayon sa initial investigation ng Quezon City traffic police, ang apat na sasakyan ay bumabagtas sa Payatas Road mula Montalban, Rizal, nang mawalan ng brakes ang truck ni Tapang habang nasa pababang bahagi ng highway.
Bumangga ang truck sa van ni Guerrero na umusad papunta sa bike ni Arca at kay Nidea na noo’y nakatayo sa gilid ng daan.
Nahagip si Nidea ng motorsiklo habang tumilampon si Arca at bumagsak sa daan na una ang ulo. Ayon sa police, patuloy na umandar ang truck hanggang sa sumalpok sa jeepney na minamaneho ni Eser.
Isinugod ng rumespondeng rescue teams si Arca sa Gen. Malvar Hospital ngunit namatay din bago pa dumating doon. Ang ibang sugatan ay dinala sa East Avenue Medical Center, ayon sa police.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ng awtoridad ang aksidente. (Vanne Elaine P. Terrazola)