HINDI na magtatagal at magtuturo na rin ang Kagandahang Flores (KF) beauty camp ng mga lalaki na pwedeng maging modelo or sumali sa mga male beauty pageants.
Ang KF beauty camp ay pinangungunahan ni Rodgil Flores na sya ring nagturo sa ating mga pamosong beauty queens tulad nila former Miss International winners Precious Lara Quigaman at Bea Rose Santiago; Miss Earth titleholders Angelia Ong, Jamie Herrell, Karla Henry, at marami pang iba.
Sa poder din ngayon ng KF nagsasanay ang magiging pambato ng Pilipinas sa darating na Miss Universe 2017 pageant na si Rachel Peters.
Nandun din sa kanilang kampo si Bb. Pilipinas Globe Nelda Ibe at Bb Pilipinas Grand International Elizabeth Clenci.
Sinabi ni Flores na pinag-iisipan na rin n’ya ngayon ang pagkakaroon ng KF male division.
“Priority pa rin would be girls or ladies joining national pageants but I’m also looking at that aspect,” ayon kay Flores. “Kumbaga there would be KF male division.”
Si Flores at ang kanyang team ang nagturo kay John Raspado, ang bagong winner ng Mr. Gay World contest na ginanap kamakailan lamang sa Madrid, Spain.
“Tinuruan namin sya sa poise, rampa, sa question and answer,” dagdag pa ni Flores.
Tinanong din namin sya kung sino ang mas mahirap turuan – lalaki ba o babae?
Ayon kay Flores: “Mas nadadalian ako sa lalaki kasi sa lalaki kumbaga they have the basic walk, the basic steps, they just improve on it. Unlike sa babae na sobrang competitive na kasi talaga ng contest ng mga babae ngayon.”
“You have to give more time to the girls. Talagang todo research,” dagdag ni Flores.
“Pero ganun din ang ginawa namin sa lalaki kay John Raspado. Sa pagsali n’ya sa Mr. Gay World, ano ba ang dapat naming gawin para manalo sya?” sinabi ni Flores.
Dagdag pa nya na konti ang tension kapag lalaki ang kanyang tinuturuan.
“Sa lalaki kasi less ang tension. Before, I trained Mike Mendoza who won the Model Search in WICOPA, Years ago, a decade ago yata, I also trained Bobby Magoo,” ayon kay Flores.
Sinabi rin ni Flores na maaring mag-umpisa na ang KF male division sa susunod na taon.