Isang housemaid na tumangay ng P3-million halaga ng alahas at pera ng kaniyang lady doctor employer sa Las Piñas noong Martes ang nadakip ng police sa isinagawang entrapment operation sa Quezon City.
Tiklo si Rochelle Cabe, 25, tubong Samar, sa patibong na ikinasa ng Quezon City Police District matapos siyang pumayag na makipagkita sa kaniyang amo na si Nanete para aregluhin ang kaso.
Kinuha ng mga miyembro ng Las Piñas City police si Cabe sa Quezon City Police District headquarters matapos siyang mandakip.
Ayon kay Senior Supt. Marion Balonglong, Las Piñas Police chief, tinawagan ng lady doctor si Cabe at hiniling na isauli na lamang ang ninakaw niyang vault na naglalalaman ng passports, ATM cards at iba pang documents para hindi na niya ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.
Sinabi ni Balonglong na kaagad na pumayag si Cabe na makipagkita sa kanyang employer.
Ayon pa sa city police chief, isang pang dating employer ni Cabe ang lumitaw sa police station at nagsampa ng robbery case laban sa suspect.
Nang kapanayamin ng police, sinabi ni Cabe na napilitan lamang siyang magnakaw para makapagpadala ng pera sa kaniyang mga kamag-anak na nasa Samar.
Na-recover mula kay Cabe ang cash, jewelry, ATM cards, bankbook at passports na kinuha niya mula sa kaniyang among doktora. (Jean Fernando)