MALOLOS (PIA) – Matapos tiyakin ng Russia na magiging tuluy-tuloy ang pagsusuplay sa Pilipinas ng Billets para sa paggawa ng bakal, madadagdagan din ang produksyon ng semento sa pinakamalaking pabrika ng semento sa bansa na nasa barangay Akle sa San Ildefonso.
Ito’y matapos mamuhunan nang panibago ang Eagle Cement Corporation para sa pagtatayo ng Third Production Line na kapag natapos sa 2018, makakagawa ng karagdagang dalawang milyong tonelada ng semento o katumbas ng 50 milyong sako kada taon.
Sa ngayon, bagama’t malaki na rin ang plantang itinayo rito noong 2008 at nagsimula ng operasyon ng 2010, aabot sa 5.1 milyong tonelada ng semento ang nagagawa na katumbas naman ng 130 milyong sako kada taon.
Kaya’t sa taong 2018, aabot na sa kabuuang 180 milyong sako o 7.1 milyong tonelada ng semento ang gagawin sa Bulacan.
Dagdag ito sa malalaki pang produksyon ng Holcim Cement at Republic Cement na kapwa may pabrika sa bayan ng Norzagaray.
Samantala, iginagayak naman ng Holcim Philippines ang panibagong dalawang bilyong pisong pamumuhunan upang maitaas hanggang 10 milyong tonelada ang produksyon ng semento.