Magsisimula pa lang ang tag-ulan ngunit tambak na ang mga basurang bumabara sa mga pumping stations na ginagamit para mapigilan ang pagbaha sa mga mababang lugar sa metroplolis, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi kahapon ni MMDA chairman Danilo Lim na ang mga basurang itinapon sa mga lansangan ay napupunta sa flood water pumping stations.
“Every day, we have to clear trash that stuck up the machinery of the pumping stations. They cannot operate properly if they are clogged with garbage,” pahayag ni Lim.
Dahil dito, nanawagan si Lim sa publiko na itapon ang kanilang basura sa maayos na paraan upang maiwasang bumara ang mga iyon sa drainages at waterways.
Sinabi niya na mahigit sa 50 pumping stations sa iba’t ibang lugar sa metropolis ang nag-ooperate na bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan.
Samantala, nagpahayag ng pagkadismaya ang isa pang MMDA official dahil sa sobrang dami ng basurang nakolekta sa waterways, patunay lamang na hindi pa rin natututo ang mga tao sa tamang pagtatapon ng basura.
Ayon kay Noel Santos, MMDA flood control official, mahigit sa 6,339 cubic meters ng solid waste at silt, katumbas ng halos 1,000 trucks, ang nakuha mula sa 15 waterways nang magsagawa ng malawakang declogging operations sa metropolis.
“The amount of garbage goes to show that people still lack discipline on how to dump their waste. The presence of informal settlers along waterways also remains a problem,” sabi ni Santos. (Ana Liza Villas-Alavaren)