By CHARINA CLARISSE L. ECHALUCE
Mahigpit na pinaalalahanan kamakailan ng Department of Health (DoH) ang mga operators ng school canteens na dapat nilang sundin ang “green-yellow-red” food guidelines na ni-release ng Department of Education (DepEd) sa paghahanda ng mga pagkaing ipinagbibili sa mga mag-aaral.
“Iyong DepEd nagpalabas na sila ng bagong guideline. They categorized iyong mga binebenta sa school canteens. Merong green, may yellow, at red,” pahayag ni DoH supervising health program officer Luz B. Tagunicar.
Ayon kay Tagunicar, ang mga pagkain under the “green” category ay pwedeng ibenta araw-araw; ang “yellow” ay kada isa o dalawang beses sa isang lingo; habang ang “red” foods ay hindi dapat ipinagbibili sa mga paaralan.
“Iyong ‘green’, ito yong mga gulay, fruits, root crops, that they prepared freshly,” sabi niya.
“Ang nasa ‘yellow’ ay lilimitahan. Siguro, once or twice a week lang [ibebenta sa canteen]. Kasama iyong processed na pagkain plus iyong mga mataas ang sugar, kagaya ng champorado, banana cue. Processed (foods gaya ng) tocino, longganisa,” dagdag pa niya.
Ang mga pagkaing nasa “red” category ay iyong tinatawag na “highly processed” at mataas ang content ng sugar and fat.
“Higly processed tapos mataas sa sugar and fat; kagaya ng mga sugar-sweetened beverages gaya ng soft drinks, mga nasa tetra pack na juice, even powdered juice,” paliwanag pa ni Tagunicar.
Binigyan ng dalawa hanggang tatlong buwang palugit ang school canteens para mag-comply sa naturang guidelines, ayon kay Tagunicar.
“I think they were only given two to three months para ayusin ang mga canteen nila. Right now, nasa process pa sila ng orienting officials. Lahat ng nutritionists, dieticians ng DepEd ang nag-attend. May dalawang batches pa; one in July, one in August. I think after that, that is the time na dapat maghigpit na ang DepEd,” sabi ni Tagunicar.
Ipinaliwanag ng DoH official na ginagawa nila ang hakbang na ito para hindi ma-expose ang mga bata sa unhealthy foods na kadalasang nagdudulot ng sakit.
“Hindi kapag kumain ka ngayon bukas may sakit ka na, but the longer the term of the exposure ng mga bata, the higher the risk of having diseases. May pag-aaral nga, if you drink soda every day, in ten years time you are bound to be diabetic,” paalala pa niya.