DAHIL sa mga nag-viral niyang videos na rumarampa siya suot ang 10-inch heels, naisip ng gay comedian na si Sinon Loresca na maglabas ng sarili niyang shoe brand.
Since “King of the Catwalk” ang titulo ni Sinon, iba’t ibang designs ng 10-inch heels ang ilalabas niya soon.
Gagawin daw ito ni Sinon para sa mga beki na mahilig sumali ng mga gay beauty contests at nahihirapan maghanap ng mga gano’ng kalseng sapatos.
“Gusto kong makatulong sa mga beki na kontesera.
“Kasi karamihan sa kanila, hindi makahanap ng gano’ng katataas na heels. Kailangan magpagawa pa talaga sila.
“Yung ibang beki naman, malalaki ang mga paa kaya nahihirapan silang makahanap ng tamang sukat na sapatos para sa mala-basketball player na paa nila.
“Sa ilalabas ko na shoe line, available in all beki sizes. Pero siyempre, ang pinaka-signature ko diyan ay ang 10-inch heels.
“Kailangan matutunan nilang maglakad ng tama sa gano’ng klaseng heels para pak na pak sila,” ngiti pa ni Sinon.
Sinisiguro pa ni Sinon na locally-made ang shoe line niya dahil gusto niyang makatulong sa shoe industry ng Marikina.
“Para magkaroon ng maraming trabaho ang mga kababayan natin, ‘di ba? Kailangan love our own.
“In fairness, magagaling ang mga shoe makers ng Marikina at matitibay. Iba ang gawang Pinoy, ‘di ba?” diin pa niya.
Para ma-promote niya ang kanyang signature sky high heels, magsu-shoot daw si Sinon ng mga catwalk videos niya sa mga magagandang lugar sa London.
“Aalis ako for London ngayong June para asikasuhin ko ang ilang papers. Since nandoon na ako, gagawin ako ng mga videos habang rumarampa ako.
“Gagawin ko ang pagrampa sa London Tower Bridge, sa may Big Ben, sa Piccadilly Street, sa London Eye at sa may Buckingham Palace!
“Parang King of the Catwalk invades London!
“Para maipakita ko sa mga tao roon kung paano ako rumampa na fierce with confidence. Para pak na pak lang!” pagtapos pa ni Sinon na mapapanood sa afternoon teleserye ng GMA-7 na “Impostora”. (RUEL J. MENDOZA)