GENERAL SANTOS (PIA) – Matagumpay na idinaos kahapon ng lokal na pamahalaan ng lungsod ang Charter Anniversary nito sa pamamagitan ng pagtataas ng watawat ng Pilipinas at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Gen. Paulino Santos.
Sa kabila ng malakas na pagbuhos ng ulan at pag kansela ng dapat sana’y parada, ipinakita ng buong lungsod ang suporta sa naturang selebrasyon sa pamamagitan ng paglalagay ng anniversary tarpaulin sa mga pribado at pampublikong opisina maging sa mga tindahan, paaralan, at iba pang establisemento.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na maidaos ang charter anniversary ng lungsod sa Hunyo 15 matapos itong ilipat mula sa tradisyonal na selebrayon tuwing Setyembre 5 sa pamamagitan ng Ordinansya na pinangunahan ni Konsehal Franklin Gacal bilang may-akda alinsunod sa mga kagananapan sa kasaysayan ng lungsod.
Noong Hunyo 15, 1968 nilagdaan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang paglikha ng Gensan bilang isang Chartered City sa bisa ng Republic Act (RA) 5412 at makaraan ang isang taon ay binisita nito ang lugar noong Setyembre 5 upang ipagdiwang ang pagkatatag nito bilang lungsod na syang simula ng taunang selebrasyon kasabay ng Tuna Festival.