By: Glen P. Sibonga
MASAYANG-masaya sina Angel Aquino at Teri Malvar sa kanilang reunion nang magkaroon sila ng presscon kamakailan para sa commercial screening ng award-winning movie nilang “Ang Huling Cha-Cha Ni Anita”.
Reunited din sila sa kanilang direktor na si Sigrid Andrea Bernardo. Matapos nga naman ang apat na taon mula nang maging entry ang pelikula nila sa 2013 CineFilipino Film Festival ay ngayon lang ulit sila nagkita-kita at nagkaroon ng mahaba-habang kuwentuhan.
Nagpapasalamat sila na napili ang pelikula nila ng Film Development Council of the Philippines at ng SM Cinemas para sa kanilang Cine Lokal film series. Mapapanood ito mula June 16 hanggang June 22, 2017 sa walong SM Cinemas (SM North EDSA, SM Megamall, SM Mall of Asia, SM Southmall, SM City Fairview, SM City Bacoor, SM Cebu, at SM Iloilo). Thankful din sila sa tulong at suporta ng Idea First Company nina Direk Perci Intalan at Direk Jun Lana para sa commercial screening ng movie nila.
Ang “Ang Huling Cha-Cha Ni Anita” ay ang most successful film ng kauna-unahang CineFilipino Film Festival noong 2013, na nanalo ng apat na awards – Best Picture, Best Ensemble, Best Actress (Teri), at Best Supporting Actress (Angel).
Nakalibot na rin ito sa mga international film festivals.
Ayon kay Angel, first and last project daw nila ni Teri ang movie na ito, kaya masaya siya na makita ulit ang young actress na dalagita na ngayon sa edad na 16. Very proud daw siya sa achievements ni Teri through the years. “Kasi after ‘Anita’, Teri became one of the important actresses, di ba? And I’m glad that she was able to sustain that.’’
Espesyal din para kay Angel ang pelikulang ito dahil ito ang nagbigay sa kanya ng kauna-unahan niyang award sa Gawad Urian nang manalo siyang Best Supporting Actress. Nakuha niya rin ang tropeyo sa parehong kategorya sa PMPC Star Awards for Movies at sa Gawad Tanglaw.
Ngayon nga ay mas maraming tao na ang makakapanood sa kanilang award-winning performances sa “Ang Huling Cha-Cha Ni Anita”, na ipalalabas mula June 16-22 sa selected SM Cinemas.